ang paglalakad ni Geron kaya napabilis na rin ang lakad nito sa tabi niya. Habang patuloy silang umaakyat ay panay ang sulyap ni Cristina sa mukha ni Geron na nauuna ng bahagya rito sa paglalakad. Paminsan-minsan namang nililingon ito ni Geron at ngitinitian. Lumalakas ang simoy ng hangin habang papataas ng papataas ang kinaroroonan nilang dalawa. Makalipas pa ang ilang sandali ay narating na nila ang ibabaw ng may katam-tamang taas na burol. Tanaw mula roon ang malawak na taniman ng niyog sa kanan at ang malawak na pinyahan sa bandang kaliwa na pag-aari rin ni Geron. Linanghap nila ang presko at sariwang hangin na patuloy na umiihip sa kinatatayuan nilang dalawa. Ipinikit ni Geron ang mga mata niya hawak-hawak ang isang kamay ni Cristina sa tabi niya. Pagkatapos ay dumilat siya at sinulyapan ito.